Kasipagan. Katalinuhan.
Kapangyarihan.
Mga salitang kakambal ng paglilingkod.
Dakila. Oo. Sa 45 taon ng buhay, naglingkod, nakilala, nagtagumpay…
Nagpakahirap upang maabot ang
pangarap. Nagsikap upang masungkit ang minimithing bituin sa pagdaan ng
panahon. Naglingkod upang mapatatag ang tulay sa kinabukasang inaasam ng bawat
henerasyon.
Naging utak upang mapabuti ang
landas na daraanan sa bagong kabanata. Naging kamay ng marami upang
maisakatuparan ang mga proyektong magdurugtong sa ngayon at bukas. Naging
hagdan upang marating ng bawat guro at kabataan ang tagumpay na inaasam.
Nagbinhi. Nagpunla. Nagdilig. Bumuo
ng mga pananim na uusbong upang maging tanyag at makilala ang institusyong
binangon at pinaglingkuran ng mahabang panahon.
Tulad ng lagi niyang bukambibig, ang
nagtatagumpay ay ang taong masigasig. Tama. Masipag siya at laging matiyaga,
kaya siya ay nagtagumpay. Umunlad din ang kasanayan, kaalaman at kahusayan ng
bawat nilalang sa Solsona National High School dahil sa kanyang pamumuno.
Sumunod ang lahat. Gumawa. Tumulong. Nag-alay din ng kanilang oras, pagod at
talino upang ang kanyang mga hiraya o pangitain ay maging tigib na katotohanan.
Dahil sa mala- Hitler niyang
pamamahala sa pagpapatupad ng mga alituntunin, nakamtan ang mala- Venus na
kagandahan ng paaralan na siyang naging daan ng pag-ani ng sunod-sunod na
karangalang nagpataba sa puso ng kanyang nasasakupan. Mula sa Brigada Eskuela
hanggang sa Gulayan sa Paaralan at mga iba pang patimpalak, mapa-academics man
o isports, namayagpag ang kanyang pangalan. Hinangaan ang pamumuno. Tinularan
ang mga programa. Dinumog ang Solsona NHS.
Bagong kabanata ang nabuksan sa
kanyang pamamaalam sa serbisyo noong Setyembre 16, 2015. Mahaba at makabuluhang
mga taon ang inilagi niya sa paglilingkod. Nag-iwan ng markang tumatak sa puso
at isip ng bawat henerasyon.
Binabati ka namin ______________! Ikaw na naglaan ng
pawis, dunong at buhay sa pagiging lingkod-bayan. Ikaw na hindi napagod sa
pagtuturo ng tamang asal. Ikaw na mapagmahal na ina sa lahat. Salamat sa iyong
katapatan. Salamat sa iyong kasipagan. Salamat sa 43 taon ng kadakilaan.