Monday, October 17, 2016

43 Kabanata ng Kadakilaan



            Kasipagan. Katalinuhan. Kapangyarihan.
            Mga salitang kakambal ng paglilingkod. Dakila. Oo. Sa 45 taon ng buhay, naglingkod, nakilala, nagtagumpay…
            Nagpakahirap upang maabot ang pangarap. Nagsikap upang masungkit ang minimithing bituin sa pagdaan ng panahon. Naglingkod upang mapatatag ang tulay sa kinabukasang inaasam ng bawat henerasyon.
            Naging utak upang mapabuti ang landas na daraanan sa bagong kabanata. Naging kamay ng marami upang maisakatuparan ang mga proyektong magdurugtong sa ngayon at bukas. Naging hagdan upang marating ng bawat guro at kabataan ang tagumpay na inaasam.
            Nagbinhi. Nagpunla. Nagdilig. Bumuo ng mga pananim na uusbong upang maging tanyag at makilala ang institusyong binangon at pinaglingkuran ng mahabang panahon.
            Tulad ng lagi niyang bukambibig, ang nagtatagumpay ay ang taong masigasig. Tama. Masipag siya at laging matiyaga, kaya siya ay nagtagumpay. Umunlad din ang kasanayan, kaalaman at kahusayan ng bawat nilalang sa Solsona National High School dahil sa kanyang pamumuno. Sumunod ang lahat. Gumawa. Tumulong. Nag-alay din ng kanilang oras, pagod at talino upang ang kanyang mga hiraya o pangitain ay maging tigib na katotohanan.
            Dahil sa mala- Hitler niyang pamamahala sa pagpapatupad ng mga alituntunin, nakamtan ang mala- Venus na kagandahan ng paaralan na siyang naging daan ng pag-ani ng sunod-sunod na karangalang nagpataba sa puso ng kanyang nasasakupan. Mula sa Brigada Eskuela hanggang sa Gulayan sa Paaralan at mga iba pang patimpalak, mapa-academics man o isports, namayagpag ang kanyang pangalan. Hinangaan ang pamumuno. Tinularan ang mga programa. Dinumog ang Solsona NHS.
            Bagong kabanata ang nabuksan sa kanyang pamamaalam sa serbisyo noong Setyembre 16, 2015. Mahaba at makabuluhang mga taon ang inilagi niya sa paglilingkod. Nag-iwan ng markang tumatak sa puso at isip ng bawat henerasyon.
            Binabati ka namin ______________! Ikaw na naglaan ng pawis, dunong at buhay sa pagiging lingkod-bayan. Ikaw na hindi napagod sa pagtuturo ng tamang asal. Ikaw na mapagmahal na ina sa lahat. Salamat sa iyong katapatan. Salamat sa iyong kasipagan. Salamat sa 43 taon ng kadakilaan.


Biyaya ng Kalangitan sa Malawak na Bakuran ng Buhay
                Sa pagdaan ng panahon, marami ang nagbinhi ng mabubuting pananim upang lumago at matutong makibaka sa balintunang mundo. Patuloy ang pagsibol ng bagong mga halaman at patuloy din ang pagdating ng mga tagapagdilig at tagapag-alaga.
            Sa bagong kabanata, isa siya sa mga tulay na magtatawid sa ngayon at sa pinapangarap na tagumpay. Masigasig sa paggawa at paggabay sa mga murang isip na nangangailangan ng pag-aaruga. Matiyaga sa pagtuturo sa bawat araw. Tunay  na maipagmamalaki sa mundo ng Siyensiya. Puno ng katapatan sa pagtupad  sa sinumpaang tungkulin. __________________ ang tubig na magbibigay buhay sa mga bagong pananim.
            Sa patuloy na paglalakbay, mayroong isa pang maaasahan. Ang taglay niyang talino sa asignaturang Filipino ay susi sa paglago ng kaalaman.  Ang  kanyang masayahing aura ang inspirasyon ng mga nilalang na  uhaw sa karunungan. Makabago ang taglay na paraan sa pagtuturo kaya naman ang mga bata, mahal siyang totoo. Siya si ______________________ Ang pagdating niya’y tulad ng  pagdalaw ng ulan matapos ang mahabang tagtuyot.
            Sa pagtahak sa bagong landas, may dumating. Ang mundo’y parang naging bagong likha! Katalinuhan ang kanyang sandata. Pag-asa  ang tangan niya sa kanyang kamay. Liwanag ang dulot niya sa  mga pahat na isipan. Waring batis na patuloy na dumadaloy upang mapabuti ang paglaki ng mga halaman. Waring  hamog sa umaga matapos ang madilim na gabi. Waring ambon na dumadampi sa pisngi. Patuloy sa paglaki ang mga halaman sa  tulong ni __________________ Sa ngayon, masigla na ang paligid.
            Nakakalipad na ang mga paruparo. Umusbong na ang mga  bulaklak na nadiligan dahil sa inyong pagkalinga. Sa tulong ninyo, may kinabukasang puno ng pag-asa. Gng. Cariaga, Bb. Fontanilla at Gng. Agustin,salamat sa inyo.  Kayo ang mga Biyaya ng Kalangitan sa Malawak na Bakuran ng Buhay, sa luntiang halamanan ng Pambansang Mataas na Paaralan ng Solsona.


Life's Lesson & Art (Me, My Bro and Life)
by Joanallyn Asuncion on Wednesday, April 27, 2011 at 8:57am

JOB DISTANCED US! WHAT WOULD BRING US TOGETHER?

               At an early age, and as kids, my brother and I were like enemies. We always have petty quarrels. Most of the time our mom would yell at our childish acts, and "sometimes," she's our referee.
           As we grew older, I had the impulse to distinguish myself with bold actions but I lacked my brother's courage and sometimes it made me feel inadequate. I talk a lot. My brother is a man of few words. We had different talents too. I had writing skills: my brother was more artistic. I could write essays, compose poems and make feature articles. He could draw anything. I could use flowery words magically to make my masterpiece beautiful. He could turn ugliness into a work of art.
           I never thought that the writing skills, I possessed were special but I always believed that my brother's artistic ability was a rare gift.
         My brother is now working abroad - with a happy and God-centered life, I believe it's where artists should be. I wanted to think of myself as an artist too but I know I was born to be a teacher.

           I had no tales to tell, nothing to relate to foreign lands, no significant achievements to share. More often than not, I felt like a failure next to him(but not, when I became a TEACHER!)
I am glad that my brother whom I spend my childhood years is now happily married to a teacher.. I am a teacher, isn't that an additional merit on my part? c',

           I realized that the charmed life I had envisioned him living did not come up that easy... he moved heaven and earth for it. I, too, have achieved my goals and used my talents. I prayed for it.
We have learned a lot about life. Life taught us to be strong...to be independent...to be who we are.
We lean on one another now, each gaining strength from the other for our separate journeys.


         Job distanced us... Faith in God will bring us together.

Mahirap Maging Mahirap

Mahirap maging Mahirap
Dusa. Pighati. Gutom. Mga salitang kasabay ko nang lumaki.
            Inaalo ko ang aking sarili habang tangan sa aking kamay ang manikang napulot ko lamang sa basurahan ng aming kapitbahay na muntik nang tinangay ng aso naming si Bantay. Malalim na ang gabi, hindi pa rin ako dalawin ng antok. Tanaw ko sa aming butas na bubong ang mga bituing waring nagpapaligsahan sa pagkinang habang yakap ko ang munting regalong aking natagpuan, nakadama ako ng kalungkutan…  
            Tagaktak ang pawis  ni ama. Kahit tanghaling tapat na’y  nagbabanat pa rin ng buto. Hapo ang katawan sa mainit na sikat ng araw. Pagdating ng bahay, nagtitiyaga sa isang isdang naiwan  ni nanay sa paglalako. Kawawang tatay!
            Hilo pa ako sa kakaunting kinain kagabi. Habang ang agahan ko ay ang isang buntot ng galunggong na prinito ni ate. Papasok ako sa paaralang bitbit ang bag na limang taon ko nang pinagtitiyagaan. Punit ang bulsa nito at may butas na. Sabi ni inay, pwede pa. Pudpod na ang aking lapis pero magagamit ko pa. Hihiram na lamang ako ng pantasa.
            Bakit ganito ang buhay? Sasanayin ko na lang ba ang aking sarili sa pagtitiis? Mamimihasa na lamang ba ako sa pagkainggit? Habang ang mga batang tulad ko ay may magarang damit, iisa ang sa akin, tuwing may okasyon, sinusuot ko nang paulit-ulit. Kailan ko mararanasang makatikim ng kaunting ginhawa? Kailang makakabili ng fried chicken na paborito ng iba? Sino ang  maglalaan ng kanyang lumang gamit?Ikaw? Siya? Sila?
             Kulang ang baon. Salat sa pangangailangan. Walang maipagmamalaki. Ito ako. Sa mundong paraiso para sa ilan, pagdurusa para sa akin. Sa matigas na higaan gabi-gabi nasanay na ang aking katawan. Sa malamig na haplos ng hangin sa manipis naming dingding, nasanay na ang aking pakiramdam. Sa kakaunting ulam at kanin sa hapag kainan, nasanay na ang aking tiyan.  
            Sa kabila ng hirap ng pagiging mahirap, patuloy ang aking pakikipaglaban. Alam kong sa mga susunod na araw ang  kaginhawaang mailap para sa akin ngayon ay akin ding matitikman.  Uunlad din ang aming buhay. Makakabili si tatay ng sariling lupa. Magmamay-ari si nanay ng grocery store. Magiging chef na ang ate ko. Oo. Pangarap pa lamang ‘yan sa ngayon. Iyon lang naman ang kaya kong gawin. Kasi nga, mahirap ang maging mahirap…

            Mag-aaral akong mabuti. Sa tulong ng aking kalagayan, hindi na mahirap para sa akin ang salitang pakikipagsapalaran. Ang mga salitang kasabay ko nang lumaki...Gutom. Pighati. Dusa. Matutuldukan din. Ako si Nene at ito ang aking kuwento. 

Liwanag sa Dilim

Liwanag sa Dilim
(KUWAGO)


Impit na sigaw 
ng kagitingang dumurungaw 
sa dambana
binalot ng lumbay
Pag-asa, hindi masumpungan
Hikbing simpait ng kahapong
hindi na matanaw sa kinasadlakan
Luhang hatid ng ngayong malabo.
liwanag.
hindi maapuhap 
ng mga matang piniringan
Bingi ang paligid...
Bulag ang gabi...

Sa langit,
kung saan matamis ang pighati...
doon,
Sa likuran ng kabiguan-malaya ako.

God's Hands


A great gift is to see God's hand on your life...to look back at the jagged shards of your past and see a clear pattern of God's design. He is a great architect.
Like sun, streaming through a stained-glass cathedral, God truly makes miracles in His time.
If God can do it during David's time or to Job, He can still perform the same miracles today...in your time. He can still calm storm...heal the sick...turn water into wine and save people.
Have you ever seen a miracle? Ever walk away from a car wreck unscratched? Or experience events so uncanny, so eerie and unreal?

There is no other way to explain it than to say, " Wow, it's God, the darling of Heaven", working in everyone's life.
He is still the same- the miracle-making God. So real!
When we sleep at night loaded with many problems, then we pray, it' so amazing to wake up the next day with answers knocking at our door. Isn't that amazing? When God works His way, even the devil obeys Him.


Mist

Sa Dako Pa Roon…

Humahalik ako sa mga talahib sa damuhan…
Niyayakap ko ang mundong ginagapangan ng alinsangan.

Ako ay hamog.

Ayokong sa dulo ng talahib matuyo. Sasanib ako sa ulap. Doon kung saan ang pangarap ay abot-kamay. Doon kung saan ako ay kristal na nakalutang sa alapaap. Doon kung saan ako ay tatanawin at muling hihintaying sumama sa lupa, sa ilog, sa dagat--- sa takdang araw, matapos ang pagkukubli. Hindi ako magdaramot. Ayokong manatili sa ulap. Lilikha ako ng bagong buhay. Pag-asa. Liwanag. Lakas. Makikipagsabayan ako sa ilog--- sa payapang pag-agos nito…sa buong tapang nitong pakikibaka sa mga mararahas na bato… sa walang takot nitong pagdaloy sa mas malawak na mundo.

Sa dagat. 

Sa mga along hatid ay pangamba, matututo akong magtiwala. Sa bawat paghampas nito sa dalampasigan, manatili sana sa akin ang kasabikan. Sa muling pagdalaw sa pampang, maiwan man ako sa buhanginan, nanaisin kong sa bawat talampakan, mayamang bakas ako ay mag-iwan. 

Oo… ako ay hamog na nasa dulo ng talahib---dumadaloy sa akin ang bukal na tubig ng buhay…ng karunungan…ng kayamanan. Nawa ay magampanan ko ang dahilan ng aking pagkakalikha. Sa bawat umagang biyaya ng kalangitan, ang pagsanib ko sa ulap at pagkampi sa ulan, matanaw ko sana ang lawak ng aking pinagmulan. Sa aking pagbabalik, nais kong lumikha ng mga bagong hamog upang ako’y may makasama. 

Sa ulap.


Doon kung saan nananahan ang mga pangarap.